SINING NG PAKIKIPAGTALASTASAN
Ang sining ng pakikipagtalastasan ay isang paraan ng komunikasyon para tayong lahat ng mga Filipino ay magkakaintindihan at magkaunawaan sa isa’t isa. Mahalaga ang komunikasyon para sa lahat. Ito ang daan para tayong lahat magkaisa para sa ikauunlad ng ating buhay.Ginagamit din ito para mapaihayag ang ating mga iniisip at nadarama.
Ang komunikasyon ay pagbibigay ng kabatiran, pakikipag-usap, pakikipag-unawan o pagbibigay kaalaman. Wika ang pinakamabisang ginagamit ng tao sa pakikipagtalastasan.
KAHULUGAN NG WIKA
Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Ginagamit ang pamamaraang ito sa pagpapaabot ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Isa rin itong likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumilikha ng tunog; at kabuuan din ito ng mga sagisag sa paraang binibigkas. Sa pamamagitan nito, nagkakaugnayan, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.
ETIMOLOHIYA
Nag-ugat ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nagmula naman sa Kastila ang isa pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language - tawag sa wika sa Ingles - nagmula ang salitang lengguwahe o lengwahe sa salitang lingua ng Latin, na nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming kombinasyon ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong kahulugan - ay anumang anyo ng pagpaparating ng damdamin o ekspresyon, may tunog man o wala, ngunit mas kadalasang mayroon.
MGA KATANGIAN NG WIKA
- Ang wika ay likas at katutubo, kasabay ito ng tao sa pagsilang sa mundo.
- May kayarian at nakabubuo ng maraming salitang may mga kahulugan ang isang wika.
- May pagbabago ang wika, di napipigilan para umunlad.
- May sariling kakanyahang di-inaasahan, ang wika ay nalilikha ng tao upang ilahad ang nais ipakahulugan sa kanyang mga kaisipan (nanghihiram sa ibang wika upang makaagapay sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran).
- May kahulugan ang salita na batay sa taglay na ponolohiya, palatunugan at diin.
- Nauuri ang wika sa kaanyuan, kaantasan, ponolohiya at kalikasan.
KAHALAGAHAN NG WIKA
1. Ang wika ay instrumento ng komunikasyon. Sa pamamagitan nito ay naipapadama at naipapahayag natin sa ibang tao ang ating iniisip, saloobin at mga karanasan.
Nag-iingat at nagpapalaganap ng kaalaman. Maraming kaalaman ang naitago at naibunyag dahil sa pag-iingat ng mga taong nagbuo ng isang ideya, opinyon, mga tuklas, mga imbensyon, mga panulat na gumamit ng wika. Ito ay napalaganap sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga ito sa mga aklat.
2. Nagbubuklod ng bansa. Walang pagpapalitan ng kaisipan at walang pagkakaisa ang mga tao kugn wala ang wika: pasulat o pasalita man. Nabubuklod ang bayan at ang tao dahil sa wika at maaring gamitin sa pakikihamok, pakikipaglaban, pagpapahalaga at pagtitipon.
3. Lumilinang ng malikhaing pag-iisip. Ang ating naririnig, napapanood ay nagdudulot sa atin ng mga damdamin nagpapaiyak, nagpapatawa, nagpapainis at nagpapaawa. Ito ay tinatawag nating nagpapagana at lumilikha ng imahinasyon at maaring magsimula, magbuo ng kaisipan, makaimbento, makalinang na pakikinabangan ng sangkatauhan.
MGA DAHILAN KUNG BAKIT IBINATAY SA WIKANG TAGALOG ANG WIKANG PAMBANSA
- Ito ay wikang ginagamit sa punong-lungsod ng Pilipinas, ang Maynila at siyang lingua franca ng buong bansa.
- Ito ay may pinakamayamang talasalitaan. Ang Tagalog ay binubuo ng 30,000 salitang ugat at 700 na mga panlapi.
- May pinakamaunlad na panitikan ito sa lahat ng katutubong wika sa Pilipinas.
- Ito ay wikang ginagamit ng nakakarami.
- Madaling pag-aralan, matutuhan at bigkasin ito.
- Ito ay kahalintulad ng maraming wikang lokal o diyalekto tulad ng Cebuano, Hiligaynon, Waray, Bikolano, at iba pa.
BATAYAN KUNG BAKIT ITINUTURO ANG MGA KURSONG FILIPINO SA LAHAT NG ANTAS NG PAARALAN SA PILIPINAS
Ang 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ay kalipunan ng mga batas sa bansa – the highest law of the land. Ang sumusunod ang naging batayan kung bakit ang wikang Filipino ang ginagamit sa pagtuturo sa mga paaralan at kung bakit itinuturo ang mga signaturang Filipino. Hango ito sa Artikulo XIV, Seksyon 6-9 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.
Wika
(Language)
SEKSYON 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.
Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang medium ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.
SEKSYON 7. Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga't walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.
Dapat itaguyod ng kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic.
SEKSYON 8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles, at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic, at Kastila.
SEKSYON 9. Dapat magtatag ng Kongreso ng isang komisyon ng wikang Pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba't ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, maguugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapanatili.
1 comments:
,,,hi sir,,mTanong Q laNg po KoNg IpoPOSt mO pbA unG topIc nTn ABout ESpeLING,,
Post a Comment