NG HOPE IN JESUS CHRISTIAN SCHOOL, LOWER BICUTAN, TAGUIG CITY
Ni Marlon B. Raquel, Guest Speaker
Isang mainit na pagbati sa lahat ng ating maipagmamalaking magsisipagtapos na mga mag-aaral sa iba’t ibang antas ng Hope in Jesus Christian School, mga tagapamahala ng paaralan sa pangunguna nina Rev. Boddie at Rev. Rose Famadico, mga guro at magulang na patuloy at walang sawang umaagapay sa mga batang ito upang marating nila ang isa sa pinakamahalagang yugto ng kanilang buhay, ang Moving Up and Recognition Day 2011.
Ang mensahe ko sa hapong ito ay nahahati sa dalawa. Una ay nais ko pong ipabatid sa lahat ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa bagong programa ng Kagawaran ng Edukasyon ayon kay Dr. Catherine Castañeda, Direktor ng CHED-NCR nang siya po ay naimbitahang magsalita sa ika-14 na Commencement Exercises ng Wesleyan College of Manila na ginanap noong Sabado lamang sa Manila Hotel. Ako po ay dumalo sa nasabing okasyon bilang isa sa mga propesor ng nasabing kolehiyo. Ang pangalawang bahagi naman po ay nakasentro sa pagbibigay-pugay sa ating mga masisipag na mga mag-aaral na tunay nga pong nagbibigay ng karangalan sa ating mga magulang.
Simula ngayong darating na pasukan sa Hunyo, ipapatupad na ng Kagawaran ng Edukasyon ang programang K+12. Ang K+12 program na ito isang pangunahing reporma sa edukasyon na magpapalawig sa basic education curriculum mula 10 taon hanggang sa 12 taon na pag-aaral sa elementarya at sekundarya. Ayon kay Dr. Castañeda, ang Pilipinas ang nag-iisang bansa sa mundo na may pinakamaikling duration o haba ng pag-aaral mula kindergarten hanggang high school. Lahat ng 5-taon-gulang na bata ay mag-aaral sa kindergarten, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school, at karagdagang dalawang taon sa senior high school. Ayon sa datos ng Kagawaran ng Edukasyon, may 2.4 milyong bata ang magpapapenrol sa kindergarten sa darating na pasukan. Sa ngayon, may 1.5 milyon ang nasa pampublikong day care centers at 435,574 naman ang mga nasa pribadong eskwelahan. Layunin ng K+12 program na ito mas mahusay na maihanda ng mga Pilipinong mag-aaral ang kanilang mga sarili sa lokal at pandaigdigang trabaho at sa mas mataas na antas ng edukasyon. Ito ay kasagutan na rin ng pamahalaang Aquino sa mithiin ng United Nations sa tinatawag na “universal education.”
Hindi madali ang magpaaral ng mga anak lalo na sa panahon ngayon kung saan kabila’t kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Batid po ‘yan ng ating mga mahal na magulang. Alam ko po ito sapagkat dalawa ang pinapag-aral kong kapatid sa kolehiyo. Maraming sakripisyo po ang kailangang pagdaanan. Kaya’t ang tema sa taong ito na “Ang batang masikap sa pag-aaral dulot sa magulang ay karangalan” ay tunay nga pong napapanahon. Masarap sa pakiramdam ng isang magulang habang pinagmamasadan niya ang kanyang anak na umaakyat sa entablado upang tanggapin ang kanyang sertipiko at parangal. Batid ko rin po ito sapagkat lubus-lubos ang kasiyahang aking nakita sa aking mga magulang sa tuwing aakyat sila ng entablado at magsasabit sa akin ng medalya mula Grade I hanggang 4th year high school ako. Sampung (10) taon po akong first honor student. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay. Kaya’t mga bata, magsikap kayo sa inyong pag-aaral. Bawal ang tamad. Makinig ng mabuti sa sinasabi ng inyong guro. Huwag pasaway kay Teacher Cherry at Teacher Rose at sa iba pang magiging guro ninyo. Sigurado akong matutuwa ang mga magulang ninyo. Bilang mga anak, tumulong kayo sa inyong mga magulang at kapatid. Sa papaanong paraan? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti. Bilang mga Pilipino, tumulong kayo sa kapwa Pilipino kahit na sa munting paraan. Lahat ng inyong mga natutunan ay magagamit ninyo sa hinaharap.
Sa mga magulang at guro na patuloy na umaagapay sa mga batang ito, saludo po ako sa inyo. Kayo ang tunay na bida sa buhay nila. Ipagpatuloy po ninyo ang inyong nasimulan. Kailangan nila kayo.
Sa pagtatapos ng mensaheng ito, nais ko pong mag-iwan sa inyo ng ilang sipi mula sa Banal na Kasulatan (Efeso 6:1-4; Kawikaan 1:8; Colosas 3:20).
Mga anak, sundin ninyo ang inyong magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. Igalang mo ang iyong ama at ina. Ito ang unang utos na may kalakip na pangako; ganito ang pangako: “ikaw ay giginhawa at lalawig ang iyong buhay rito sa lupa.” Dinggin mo ang aral ng iyong ama at huwag ipagwalang bahala ang turo ng iyong ina.
Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong anak dahil sa malabis minyong kahigpitan; sa halip, palakihin sila sa tuntunin at aral ng Panginoon. Huwag ninyong kagagalitan ng labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
Maraming salamat po sa inyong lahat at nawa’y pagpalain tayong lahat ng ating Panginoong Diyos.
Binabati ko kayong muli sa inyong tagumpay!
------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Date and Time: March 29, 2011/ 2:00PM
Venue: Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City